SIYA PA BA?
Hindi mo man napupuna ay nakabukana na ang Pasko. Ayaw mo sana munang isipin pero makulit at sumisiksik sa utak mo. Kasi naman ay kailangan mo na raw mamili upang maiwasan ang mataas na presyo pagdating ng Disyembre. Pero ang problema, mura man o mahal ang bilihin ay wala ka namang pambili. Idagdag mo pa ang tumaas na presyo ng gasolina at ng LPG at talagang masisira ang Pasko mo. Paano na ang Filipino? Kung ganito ang takbo ng utak mo, gusto mo pa bang matuloy ang Pasko? Madaling sabihin na hindi ang mga ito ang tunay na diwa ng Pasko. Na ito ay wala sa mga bagay na materyal. Pero huwag mong sabihin iyan sa mga kumakalam na sikmura dahil hindi nga nasayaran ng almusal gayong eto na at noche Buena na. Kailangan pa bang bumaba ang Dios mula sa langit, dumampot ng limang tinapay at tatlong isda, paramihin ito at pakainin ang milyong-milyong nagugutom upang matuloy lamang ang Pasko? Pagbulay-bulayan natin ang apocryphal story na ito:
"Nagdiriwang daw ang mga anghel sa langit dahil dumating na ang pagdiriwang ng pagsilang ng Mesiyas. Ang koro ng mga anghel ay nag-aawitan ng Gloria en Excelsis Deo at Glory to God in the highesttulad ng ginawa nila nuong unang Pasko. Nguni't napatuon ang paningin ng isang anghel malayo sa mga mararangyang tahanang hitik sa pagkain ang dulang. Sa mga dukhang walang kakainin ng gabing iyon.
At nagtanong ang anghel kay Jesus: "Paano sila Panginoon?"
Sumagot si Jesus: "Bahala sa kanila ang aking labingdalawang alagad."
Sabad uli ng anghel: "Pero paano kung makaligtaan nila dahilan sa kaabalahan ng pagdiriwang?"
Sumagot uli si Jesus: "Bahala sa kanila ang mga Kristiyanong susunod sa kanila."
Makulit ang anghel : "Nguni't paano kung pati sila ay makalimot ?" Madiin na ag sagot ni Jesus : "HINDI SILA DAPAT MAKALIMOT SAPAGKAT WALA NA AKONG IBANG PARAAN."
Sa Pasko 2005, SIYA PA BA?
Thursday, December 15, 2005
Subscribe to:
Posts (Atom)